Chapter 1
P’re, may alam ka bang part-time job ngayong summer?
Kailangan ko ng pandagdag sa tuition ko next sem eh, hanggang summer class na
lang kaya ng naipon ko. Kung possible sana, yung medyo maganda ang sahod.
Kung may pang-unli call lang ako eh… dapat talaga tawagan na
lang itong mokong na to eh. Palagi namang unli pero unli rin ang katamaran sa
pagreply. Sa akin. Tamad magreply sa akin. Palibhasa para lang raw sa mga
chicks nya yung load nya. Hay, kahit kelan talaga.
~toot toot~
Drew!!! Galing mo tumiming!!! May opening pa kami sa Adonis’
Loft, waiter. Gusto mo? Okay ang sahod, tamang-tama yung summer, makakaipon ka
ng malaki-laki. Saka alam mo maraming magagandang waitress dun!!! Samahan kita
bukas ng 7AM, yun start ng shift ko eh. Daanan mo ko dito sa apartment ng 6 ah!!!
Aba. Ang tindi ng energy. Nakaiskor siguro to. Pero at least
magkakapart-time na ako.
Sana.
***
Dalawang minuto at kalahati. Ayan, tatlong minuto na pala
akong kumakatok sa pinto ng kwarto ni June Narciso, ang taong ginagawang umaga
ang gabi at gabi ang umaga. Nagpa-late na nga ako ng punta dahil alam kong
tutubuan ako ng ugat kung pupunta ako on time at maghihintay ng ilang siglo
bago sya lumabas. Hindi na nakakagulat na 6:30 na ay nasa apartment pa rin sya,
kahit sabi nya halos isang oras ang biyahe mula dito papunta sa Adonis’ Loft. Nakakatawa
lang isipin na mukhang totoo nga ang opposites attract, dahil ako itong
kumukulo ang dugo kapag nasisira ang mga plano at nale-late sa mga commitment,
at sya naman itong walang pakialam sa mundo, lalo na sa oras ng ibang tao.
Ang lamig naman dito sa labas… dapat pala nagdala ako ng—
“Uy p’re sori tinanghali ako ng gising eh!” at ang ganda ng
ngiti ng mokong. At ang ganda rin ng porma nya, mukhang sosyal kahit uniporme
na pang-waiter. Nagpabango rin sya na parang pang-mayaman at nag-wax pa ng
buhok. At sya ang tipo ng tao na nag-aayos lang sya nang ganito pag may
kasamang babae. Sa huling check ko, lalaki pa naman ako. Required siguro sa
trabaho na… magpagwapo. Magpagwapo lalo.
At taliwas sa sinabi nyang isang oras, 30 minutes lang pala
ang biyahe. Nag-MRT at jeep kami. At susme, mas malapit pala sa bahay namin
itong restaurant na to! Pambihira! Ako pa talaga ang pinapunta sa
kasuluk-sulukan ng mundo para sunduin sya…
“Halika ‘tol, pasok tayo. Uhmmm, sandali lang pala,” at
inayos muna ni June and kwelyo ng polo shirt ko. “’tol, lagyan kita ng wax ah,
medyo nagulo na yung buhok mo eh,” at inayos nya rin ang buhok ko. Kakaiba ito.
Sya ang tipo ng tao na sanay maging parasite lalo na sa paghingi ng pagkain at
maging ng damit na matipuhan nya, pero hindi mo basta-basta mahihingan ng kahit
ano. Milagro nga na nagpainom sya nung bertdey nya, pero 50% off lang kami nun.
“Ayan, over-qualified ka na” sabay kindat. Napalunok ako. Parang… parang may
mali sa sinabi nya.
Pumasok na kami sa loob. Sobrang sosyal naman ng restaurant
na ito, may parang gallery pa ng mga painting at sculptures, puro mga nakahubad
na babae at lalaki. May mga poste pa na napapaikutan nung dahon na nasa ulo ni
Caesar, at marami pang element na para bang ginawang restaurant ang greek
mythology. May mga upuan na mukhang mas espesyal, yung parang pang-couple, at
mukha silang mga trono na may malambot na cushion at malambot na tela. May maliit
na sign sa mga table na iyon, may nakasulat na Aphrodite’s kiss. Yung mga
maramihan naman, may sign na Olympic banquet. Ang mahal siguro ng bayad sa
interior designer nito. Naku, ang bagal ko palang maglakad, biglang nawala si
June.
Sige, matignan nga muna ang menu.
At pinagpawisan ako nang malamig.
At halos mabitawan ko ang menu.
Ang pinakamababang presyo ay P500! Ay P70 pala para sa
bottled water! Nakakatakot, mukhang kailangan talagang matino ang trabaho dito…
konting mali lang… kung kailangan kong abonohan…
“May experience na ba siya sa ganitong trabaho? Mukhang kaya
ba nya? Gwapo…” may boses ng lalaking parang may accent na di ko maintindihan…
parang Italiano? At parang…
“Aba, gwapo nga. Muy bien,” yan ang sinabi ng lalaking may
mala-Italianong bigote, yung may kulot sa dulo, at nakadamit na parang galing
sa Renaissance era. “June says you’re applying as a waiter here in Adonis’
Loft. Ako ang may-ari nito, you can call me Maestro Monico,” at iniabot nya ang
kamay nya sa akin. At nag-shake hands kami. Pero may kakatwang hawi sya ng
kamay pagkabitaw nya sa kamay ko. May finesse kumbaga.
Matapos ang ilang tanong at pagbasa ni Maestro Monico sa
aking bio data, may pinakuha sya sa isang waitress na ang pangalan ay Alice. Kung
lahat ng waitress ay ganito ang hitsura, totoo nga ang sinabi ni June na
magaganda ang waitresses dito. Pagbalik nya, iniabot nya sa akin ang uniporme
na katulad ng kay June. Inabutan nya rin ako ng wine glass, pati si Maestro
Monico at si June. Nag-iwan rin sya ng isang wine bottle at dali-daling umalis
dahil may dumating na customer.
“So, congratulations and welcome to Adonis’ Loft, Drew.
Cheers,” sabi nya, pagkatapos nya kaming salinan ng wine sa wine glasses namin
ni June. “Don’t worry, di ako kasing-BI nitong si June, ngayon lang tayo iinom
nang ganito kaaga. Magni-night schooling ka raw? Anong…”
…at dito na nagsimula ang summer na hinding-hindi ko
makakalimutan…
Categories:
Literati